
Nagbabadya na naman ang isang salpukan ng salita matapos bumuwelta si Pangalawang Pangulo Sara Duterte kay Presidential Communications Officer (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro kaugnay ng sinabi nitong dapat ay mag-"level up" si Duterte.
“Dapat sinasabi niya 'yan sa sarili niya kasi siya yung unang-una na namumulitika gamit ang opisina ng Office of the President. Nakakahiya sa buong mundo na ganyan ang nagsasalita para sa Opisina ng Pangulo,” ani Duterte sa isang ambush interview nitong Biyernes, Mayo 2, 2025.
Giit ni Duterte, mas makabubuting tutukan na lamang ni Castro ang mga nagawa ni Pangulong Bongbong Marcos bilang pinakamataas na halal na opisyal sa bansa—bagamat mabilis rin niyang sinabi na wala namang nagagawa ang Pangulo para sa bayan.
“Dapat pumunta siya sa harap ng salamin at sabihin niya na ngayong araw na ito ay hindi na ako aatake sa mga kalaban ng aking boss at ang sasabihin ko lang ay mga ginagawa ng aking boss para sa bayan. Apparently, wala kasing ginagawa yung si BBM para sa ating bayan kaya wala ding masabi yung tagapagsalita,” sambit ni Duterte.
“Sabi ko nga, garbage in, garbage out,” dagdag pa niya.
Nauna rito, binanatan ni Castro si Duterte matapos sabihin ng huli na ang imbestigasyon sa Villar-owned PrimeWater Infrastructure Corp ay may bahid ng pamumulitika.
“We cannot expect any nice words from the vice president in favor of the president and of the present administration. She will always use that excuse or defense of pamumulitika without really answering or responding directly to the issues,” pahayag ni Castro sa isang PCO press briefing.
Dagdag pa ni Castro, “marami na po sa ating mga kababayan, ang mga customers ng PrimeWater, ang umiiyak. Hindi ito bago. Kaya nakakapagtaka kung bakit hindi ito nasolusyonan sa nakaraang administrasyon.”
Hinamon din ni Castro si Duterte na “mag-level up” sa mga argumento nito at gumamit ng tunay na datos imbes na puro pamumulitika.
“Sana po ay i-level up po natin—rason sa rason, datos sa datos. Huwag gamitan ng masasamang salita o pagmumura,” aniya.
Iginiit din ni Castro na nararapat lamang ang imbestigasyon sa PrimeWater batay na rin sa utos ni Pangulong Marcos.
“Ang PrimeWater, anumang naging transaksyon nito, dahil umiiyak ang karamihan, dapat po talagang ma-imbestigahan. So, walang pamumulitika ito. Hindi lahat ng ginagawa ng administrasyon para sa taumbayan ay pulos pamumulitika,” pagtatapos niya.